Batang tinamaan ng virus umiiyak na nagdarasal matapos malayo sa pamilya

Ang COVID-19 na pandemya ay walang pinipiling taong bibiktimahin, mayaman man o mahirap, matanda man o bata, babae man o lalaki, lahat ay posibleng mahawa sa sakit na ito.

Kaya naman kaawa-awa ang isang 9 na taong gulang na batang ito na naging biktima ng nasabing nakamamatay na sakit.

Ayon sa GMA News, ang batang lalaki ay nagsimulang nakaramdam ng sintomas ng sakit noong April. Nagkaroon siya ng lagnat at nagdugo rin ang kanyang ilong.

Ang imaheng ito ay ilustrasyon lamang

Dahil ang kanilang Barangay sa Cebu City ang mayroong pinakamataas na positibong kaso ng sakit; minabuti ng kanyang tiyuhin na samahan ang bata sa pagpapa-test kung mayroon din siya nito.

Matapos ang mahigit isang linggo, nakumpirma nga na siya ay positibo sa sakit, kaya naman hiniwalay na siya sa kanyang pamilya na labis namang ikinalungkot ng buong mag-anak.

Imahe: Kapuso Mo, Jessica Sojo

Ayon pa nga sa ama ng bata na mas gugustuhin pa sana niya na sa kanya na lamang dumapo ang sakit kaysa sa mahal niyang anak.

Labis din ang hinanakit ng ina ng bata dahil wala siya sa tabi ng anak lalo na sa panahong kailangan siya nito.

Ang siyam na taong gulang na bata ay mas lalo pang mahalaga sa kanilang pamilya dahil siya ang pinakabata sa mga magkakapatid. Noong isang taong gulang pa lamang siya ay nasunog ang kanilang bahay at kasunod nito ay ang pagkamatay ng kanyang lalaking kapatid dahil sa urinary tract infection.

Isa ring video ng bata habang nagdadasal ang naging viral sa social media na dumurog din sa puso ng marami.

Imahe: Kapuso Mo, Jessica Sojo

Sa kabila ng lahat ng ito, nananatiling matatag ang paniniwala ng bata sa panginoon. Ayon pa sa kanya ay naniniwala siya na patuloy siyang pino-proteksyunan ng panginoon at matatapos din ang pagsubok na kanyang hinaharap kahit gaano man ito kahirap sa ngayon.

Gabi-gabi ay nananalangin ang bata kasama ang kanyang pinsan gamit ang videocall na sana ay malampasan na niya ang mahirap na pagsubok na ito. Kasama ang pagmamahal ng panginoon, alam niyang walang anumang bagay ang imposible.