Kim Chiu, pinakita ang dating bahay bago siya sumikat

Ang mga hinahangaan nating celebrities ay mga ordinaryong tao rin tulad natin bago pa sila naging sikat. Sa katunayan, mayroong iba na mahirap lamang noon at nag-iba ang kapalaran matapos manalo sa contest o reality show.

Kagaya na lamang ni Kim Chiu. Kung inyong matatandaan, si Kim ay naging Big Winner sa Pinoy Big Brother noong 2006. Simula noon, naging mabuti ang takbo ng career ni Kim at nakapagpundar na siya ngayon para sa kanyang pamilya.

Pero, paano nga ba ang buhay noon ng isang Kim Chiu? Sa pamamagitan ng kanyang Vlog, nagbigay si Kim ng house tour sa dati nilang bahay sa Cebu para sa kanyang fans.

Bago pa man pumasok sa dati nilang bahay, naalala ni Kim na naglalaba pa siya noon ng nag text ang staff ng PBB na isa siya sa mga magiging housemate ni Kuya.

Sa loob ng bahay, inilarawan ni Kim kung paano ang sitwasyon nila noon. Sa isang bahagi ng maliit nilang bahay ay tabi-tabi ang kama nilang magkakapatid, gayundin ang mga cabinet. Sa isang parte naman ay naalala niya na doon ang dati nilang kusina kung saan siya natutong magluto.

Ayon pa sa aktres, literal na malilibot mo na ang kanilang bahay sa isang tingin lamang. Sa kabila nito, naging emosyonal siya at ang kanyang kapatid sa muli nilang pagtapak sa bahay na puno ng alaala ng kanilang kabataan.

Kagaya ni Kim, nawa’y huwag tayong mawalan ng pag-asa at magtiwala sa kakayahan ng ating pangarap. Ika nga, walang imposible sa taong dedikado at may pangarap.

Mapapanood ang buong vlog ni Kim dito: