Negosyante nasayang ang kita sa buong araw matapos ma “prank order” ng customer para sa kanyang vlog

Ngayong panahon ng quarantine na limitado ang galaw ng mga tao, malaking tulong sa mga nagnenegosyo pati na rin sa mga mamamayan ang delivery service. Bukod sa hindi mawawalan ng benta ang mga negosyante, dagdag kita rin ito sa mga delivery men.

Ngunit, sa kabila ng delikadong sitwasyon na kinahaharap natin ngayon, mayroon pa ring mga taong mapagsamantala at pinipiling makapanlamang pa rin sa kapwa kahit ganito na ang sitwasyon.

Kagaya na lamang ng nakakapanlumong pangyayaring ito sa isang negosyante.

Ayon sa kwentong ibinahagi ng “Chacha Special Binalot sa Dahon” sa kanilang Facebook page, may isa silang kustomer na umorder ng Binalot. Kahit malapit nang magsara ay kinuha pa rin nila ang order nito.

Sa kabila rin ng ulan ay sinikap pa rin ng kanilang rider na mai-deliver ang inorder ng kustomer sa pag-aakalang kailangan niya ito sa kanilang hapunan.

Matiyaga pang sinuyod ng rider ang lokasyon ng nasabing kustomer. Ngunit, ng makarating siya ay sinabihan lamang na hindi na raw nila kukunin ang order at kakain na lamang daw sila ng “pancit canton”.

Labis na nadismaya ang rider sa nangyaring ito at iginiit rin ng may–ari ng negosyo na sayang naman ang pagod ng rider kung hindi nila kukunin ang order, sinabi pa ng customer na “prank” lamang ang kanilang ginawang pag–order. Hindi na rin nila makukuha ang order dahil kulang umano ang kanilang pera.

Image: Chacha Special Binalot sa Dahon/Facebook

Ayon pa sa may-ari ng negosyo, ibinahagi niya ang kanyang karanasan upang naging bukas ang mga gaya niyang naghahanap-buhay na mayroon talagang mga taong mapagsamantala.

Iguniit rin niya na ang pagbabahagi niya ng karanasan ay para wala ng dagdag pang mabiktima ang nasabing kustomer.

Hiling din niya na sana nga ay huwag mabalikan ng masamang karma ang kanyang kustomer lalo na at marami siyang naperwisyo sa ginawa niyang “prank.”