Partition ng jeep na pang blind date ang patok online

Maraming lugar ngayon sa bansa ang napasa-ilalim na sa GCQ o General Community Quaratine. Sa ilalim ng kondisyong ito, bagama’t limitado pa rin ang galaw ng mga tao ay pinapayagan nang magbukas ang ilang negosyo at kasama na rin dito ang muling pag-byahe ng mga pampasaherong sasakyan.

Isa na nga sa pinaka-common na uri ng pampasaherong sasakyan sa Pilipinas ang jeepney. Ngunit, dahil pahaba lamang ang upuan nito ay walang nagsisilbing harang kung saan magkakaroon ng espasyo ang bawat pasahero bilang pagsunod na rin sa tuntunin ng social distancing.

Imahe: John Aries Alcayaga/Facebook

Kaya naman, bilang likas na mapaglikha ang mga Pinoy, iba-ibang pakulo na ang ginagawa ng mga driver para maipatupad and social distancing sa mga jeepney.

Mayroong naglalagay ng plastic bilang dibisyon sa mga upu-an, mayroon ding gumamit ng plywood, at mayroon din namang gumamit ng maliit na lagayan ng pamasahe na dual-purpose na rin bilang dibisyon ng bawat pasahero.

Pero, ang ikinatuwa ng marami sa social media ay ang isang jeep na ito na ang ginamit na pang-harang ay puting tela!

Imahe: Paul Jayvee Badilla/Facebook

Makikita sa post ng Facebook user na si Paul Jayvee Badilla ang litrato sa loob ng isang jeep na kanyang sinasakyan kung saan ang gitnang bahagi ay may nakasampay na puting tela.

Sinamahan pa ni ng caption na “di ako ready blind date pala to haha” na labis namang ikinatuwa ng maraming netizens. Iba nga naman talaga ang matabang utak ng mga pinoy kung kapilyuhan lang ang pag-uusapan.

Marahil ay pamamaraan na rin natin ito na makapag-lagay man lamang ng kaunting ngiti sa ating mga labi sa kabila ng pangamba at takot na dulot ng nakamamatay na sakit.